Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa - Pilipinas
Philippine Political-Economic Situationer

2019 Philippine Political-Economic Situationer

 

I. Introduksyon

Hindi madidibursyo ang pulitika sa ekonomiya – ang lahat ng pagtatangka na paghiwalayin ito ay bunga ng burgis na kaisipan at interes. Kumbaga, ang relasyon ng pulitika sa ekonomiya ay diyateltikal – magkasalungat ngunit magka anib. Ang pulitika ang nagdidikta ng ekonomiya, at ang may kapangyarihang pang-ekonomiya ang nagdidikta ng pulitika. Gayundin, na ang personal ay pulitikal, at ang pulitika ay personal, ika nga. Walang choice ang mga indibidwal kundi makilahok sa pulitika sapagka’t ito ang nagdidikta at kumokontrol ng kanyang buhay at kabuhayan. Ang pulitika ay bunga ng pakikipag relasyon ng tao sa kapwa tao, at ang siyang nagdidikta ng kanyang lugar sa produksyon. Ang kanyang lugar sa produksyon naman ang nagdidikta ng kanyang pang ekonomiyang katayuan sa lipunan. Dahil sosyalisado ang produksyon sa kapitalismo, kailangang makipag ugnay ang mga proletaryado sa kanyang kapwa para mabuhay – ang pulitika ay maaari ding tawaging relasyon sa produksyon sa ganitong perspektiba. Tanging mga burgis lamang, na nagkapagkamal na ng napakalaking kayamanan, ang may pribilehiyo na kumalas sa pakikilahok sa pulitika – sapagka’t mayroon na silang sapat na kayamanan upang balewalain at hindi makilahok sa produksyon para mabuhay.

 

Ang isang situationer o pagsusuri ng pulitikal at pang ekonomiya na sitwasyon ng lipunan ay isang napakahalagang aktibidad para sa isang Partido na tumatalima sa siyentipikong pamamaraan ng sosyalismo. Ang pagsusuring ito ay ang gumagabay sa stratehiya at taktika, pati na din sa pang araw-araw na galaw, kilos at desisyon ng bawat partidista o kadre ng Partido. Sa pamamagitan nito, mas maippwesto ng Partido ang kanyang sarili sa gitna ng lahat ng kaganapan sa Pilipinas at mas makakamaniobra kung saan ito mas makaka abante. Lahat ng ating pagkilos bilang Partido ay patungo sa pagbago at pag transporma ng kasalukuyang political-economic na kalagayan at sitwasyon ng lipunan – ang kapitalismo.

 

Ang pangkaraniwang pagpinta sa kapitalismo sa Pilipinas ay atrasado. Pero ang isang matingkad na pagkakaiba nito sa Western-style na kapitalismo ay ang pagkakatali ng kapital sa estado o gobyerno. Ibig sabihin, ang mga pinaka successful na kapitalista sa Pilipinas ay yung mga direktang nakikielam sa eleskyon at estado – at ginagamit nila ang makinarya ng estado, pati ang kapangyarihan ng poder, upang maka-lamang sa kanilang kompetisyon. Sa ibang salita, ang Pilipinas ay dinodomina ng mga burukrata-kapitalista.

 

II. Mga Kasalukuyang Malalaking Paksyon ng Burgis sa Pilipinas

1. Nacionalista Party (42-41) – Manuel Villar
2. National Unity Party (25-0) – Roberto Puno / Enrique Razon
3. National People’s Coalition (36-3) – Danding Cojuanco
4. LAKAS-CMD (11-1) – Gloria Macapagal Arroyo
5. PDP-Laban (82-6) – Koko Pimentel / Rodrigo Duterte
6. Liberal Party (18-3) – Leni Robredo
7. Hugpong ng Pagbabago (5-9) – Sarah Duterte

 

Ang administrasyong Duterte ay maaaring mailalarawan bilang melting-pot at pinagsama-samang iba’t ibang paksyon ng burgis. Unique ito sapagkat walang nagiisang dominante na paksyon noong simula, dahil si Duterte ay isang “Dark Horse” noong 2016 na eleksyon. Walang isang paksyon ang nag pondo at sumuporta sa administrasyon ni Duterte noong simula, ngunit ito ay pinagbuklod-buklod nya sa pamamagitan ng kanyang anti-oligarchy rhetoric – kung hindi ka kakampi ng administrasyon ay babanatan ka nito. Mga halimbawa nito ay ang mga Lopez, Ongpin, Lucio Tan at Ayala, na ginipit ng Duterte administration hanggang mapasunod ito.

 

Ang eleksyon sa Pilipinas para sa mga burgis ay parang sugal – kanya-kanyang taya ang mga burukrata kapitalista sa kani-kanilang manok. Hindi naiiba si Duterte, dahil ang kanyang kandidatura ay sinuportahan ng mga Villar at ni GMA noong simula pa lamang. Sila ang nag bank-roll sa kanditatura ni Duterte, na pinapatunayan ng pagkakaupo ng kanilang mga kapartido sa mga juicy positions sa administrasyong Duterte. Hawak ng anak ni Villar ang pinaka juicy na DPWH (Mark Villar), samantalang sa grupo naman ni GMA ay sila Al Cusi ng DOE, Francisco Duque ng DOH, at ang kanyang mga military generals na sila Hermogenes Esperon at Delfin Lorenzana.

 

Ang simula ng administrasyong Duterte ay puno ng gitgitan, hindi lang ng mga paksyon ng burgis, kundi kasama pati ng mga progresibong grupo – 6 sa gabinete ay mula sa grupo ng CPP – Terry Ribon ng PCUP, Paeng Mariano ng DAR, Judy Taguiwalo ng DSWD, Liza Masa ng NAPC, Joel Maglungsod na Usec ng DOLE, at Luz Ilagan na Usec ng DSWD. Si Liling Briones ng DepED, Gina Lopez ng DENR, at Silvestre Bello ng DOLE ay kinokonsidera din ng karamihan na galling sa mga progresibong grupo.

 

Isang paksyon din ay ang mga kaibigan, brod at tauhan ni Duterte na pinangungunahan ni Bong Go na dating PMC, Leoncio Evasco na dating Cabinet Secretary, Bingbong Midealdea na Executive Secretary, Art Tugade ng DOTr, Martin Andanar ng PCOO, Manny Pinol na dating DA, Perfecto Yasay na dating DFA, Jesus Dureza na dating OPAPP, Vit Aguirre na dating DOJ, at Sonny Dominguez ng DOF.

 

Dumaan sa maraming pagbabago ang gabinete ni Duterte. Marami ang pinalitan at inilipat. Mayroong mga pinatalsik dahil sa korapsyon tulad nila: Mike Sueno (DILG), Terry Ridon (PCUP), Dionisio Santiago (DDB) at Patricia Licuanan (CHED). Mayroon naman mga nag resign dahil sa kontroberysa, tulad nila: Leni Robredo (HUDCC), Vitaliano Aguirre II (DOJ), Wanda Teo (DOT), Rodolfo Salalima (DICT), Jesus Dureza (OPPAP), Ernesto Abella (PCOO) at Manny Pinol (DA).


Kapansin-pansin din na sa mga pagpalit ng gabinete, pinapaboran ni Duterte bilang mga kapalit ay ang mga dating Heneral ng AFP at PNP.

 

Sa kasalukuyan, masasabi na ang nanalo sa tunggalian sa pag-itan ng mga paksyon sa loob ng Duterte administration ay ang grupo ni Sonny Dominguez at Bingbong Mideladea, na silang kumokontrol ngayon sa mga appointment sa gobyerno at ng ekonomiya ng bansa. Ang bagong DOJ secretary na si Menandro Guevarra ay kanang kamay ni Midealdea, samantalang ang bagong DA secretary naman ay sinasabing pinaupo ni Dominguez. Ang lahat naman ng desisyong pang ekonomiya sa kasalukuyan ay dinidireksyunan ng “troika” (o three little pigs) ng Economic Cluster na sila Dominguez, Pernia at Diokno.

 

Ang mga Villar na may ari ng Vista Land at Camella Homes ang isa din sa mga pinaka makapangyarihang pamilya ngayon at nakapagpataas ng kanilang yaman sa panahon ni Duterte. Dahil sa pagkamatay ni Henry Sy ($20 billion), si Manny Villar ang kasalukuyang #1 na pinakamayaman na tao sa Pilipinas, na may net worth na $6.7 billion – mahigit limang beses na lumaki mula ng maupo si Duterte noong 2016 na $1.3 billion. Ang pagkakatalaga ni Mark Villar bilang DPWH secretary ay isa sa mga malaking nakapagpataas ng kanilang yaman. Kilala ang mga Villar sa land grabbing at land banking na lalo ngayon tumindi at naging agresibo dahil sa rice tariffication law kung saan binebenta ng mga magsasaka ng mababa ang kanilang mga naluging lupa. Ang mga naka abang na lupa ng mga Villar ay gagawan ng kalsada ng DPWH upang biglaang tumaas ang presyo nito. Ang mga Villar din ang pangalawa sa pinakamalaking importer ng bigas pagkatapos maipasa ang RTL. Kaya naman kabi-kabila ang pag expand ng mga Villar maging sa ibang sector ng ekonomiya at bumibili kaliwa’t kanan ng mga kumpanya at nagtatayo ng negosyo.

 

Si Enrique Razon ng ICTSI at Solaire Hotel Casino ang isa din sa mga agresibong burgis ngayon, na may $5.1 billion na net worth – mahigit doble ng kanyang 2016 net worth na $2.4 billion. Siya ang patron ni Speaker Allan Peter Cayetano dahil sinasabing girlfriend nito ang kanyang kapatid na si Senator Pia Cayetano. Sila din ang magkakampi ngayon ni Sonny Dominguez sa mga negosyo at pulitika, at sinasabing nag babank-roll kay Isko Moreno sa pagka Presidente sa 2022.

 

Isa sa pinakamalaking supporter naman ni Gloria Macapagal Arroyo si Teresita Sy-Coson ng SM Group of Companies na may net worth na $2.3 billion.

Si Ramon Ang ng San Miguel na may $2.8 billion net worth ay supporter naman ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco, na asawa ng kanyang anak. Si Ramon Ang ang nasa likod ng bid sa pagka Speaker of the House ni Velasco, na tinalo ng Razon-backed Cayetano.

Si Dennis Uy ng Udenna, Mislatel at Phoenix Petroleum na isa sa pinakamalapit na crony ni Duterte ay may $660 million na net worth. Bigla ang yaman ni Uy nitong panahon ni Duterte na dati ay wala naman sa listahan ng pinaka mayaman sa Pilipinas. Siya ang nakakuha ng 3rd Telco na prankisa, kasama ang China Telecom.

 

Si Manny Zamora ng Nickel Asia Mining naman na may net worth na $360 million ay isa din sa mga active sa pulitika sa Pilipinas, bilang main fund raiser ni Erap noong sya ay tumakbo bilang presidente.

 

Si Oscar Lopez ng ABS-CBN naman na may net worth na $440 million ay nasa palad ni Duterte dahil nakasalalay ang pag renew ng prankisa ng ABSCBN sa administrasyong ito. Sinasabi na kasabwat ang ABSCBN sa psyops ng administrasyon sa pamamagitan ng sadyang pagputok ng mga chismis na kukuha ng atensyon ng masa, tulad ng isyu noon nila Julia Baretto – Gerard Anderson – Bea Alonzo, pati na din ang Baretto family feud – Atong Ang isyu ngayon, na mas binibigyan ng media mileage kaysa sa mga problema ng bansa.

 

Ang mga secret billionaires din na sila Atong Ang at Chavit Singson ay patuloy ang pag expand at pamumulitika. Si Atong Ang ang may control ng PCSO, na nagbibigay lisensya sa mga lotto, small town lottery at perya ng bayan – mabisang cover para sa kanyang jueteng na main negosyo. Direkta syang nakadikit kay Duterte, at tao nya si Sandra Cam at Chairman Garma ng PCSO – kung saan may anak si Duterte. Si Chavit naman ay nakadikit kay Manny Pacquiao bilang isang close adviser.

 

Kung susuriin ang mga pinakamayayaman sa Pilipinas, iilan lamang ang mga negosyo na pinapasukan ng mga ito: retail, banking, energy, mining, real-estate at media. Except retail, and mga industriya na ito ay nangangailangan ng permiso sa estado, at mga na privatize na dapat ay estado ang nagpapatakbo.

 

III. 2022 Presidential Election

Pagtapos na pagtapos ng 2019 election ay naghahanda na ang lahat ng paksyon ng burgis para sa 2022 Presidential elections. Mahalagang mai-situate natin ang Partido sa mga magbabanggaang paksyon na ito, upang makagawa ng epektibong taktika kung paano kikilos at gagalaw.

 

Sa ngayon, ang mga nababalitaang nagaambisyon maging presidente/bise-presidente sa 2022 ay sila:
1. Sarah Duterte – Ramon Ang / NPC / HnP / PDP-Laban
2. Ping Lacson – Buddy/Manny Zamora
3. Isko Moreno – Enrique Razon / NUP
4. Cynthia/Mark Villar – Nacionalista
5. Martin Romuladez – Lakas-CMD / Teresita Sy-Coson / GMA
6. Bongbong Marcos – KBL
7. Leni Robredo – Liberal
8. Koko Pimentel – PDP-Laban
9. Grace Poe – USA
10. Allan Peter Cayetano – Enrique Razon / NUP
11. Tito Sotto – Cojuanco / NPC
12. Bong Go – PDP-Laban / HnP
13. Manny Pacquiao – UNA / PDP-Laban

IV. Kalagayan ng Masang Pilipino
 

Sa gitna ng awayan at agawan ng kapangyarihan at pera ng mga naghaharing uri sa Pilipinas ay ang palala ng palala na sitwasyon ng masang Pilipino. Drug wag, TRAIN Law, Rice Tariffication, kontraktwalisasyon, mabagal na pagtaas ng minimum wage at kakulangan ng trabaho ang pumuputakte araw-araw sa masa. Masasabing ang polisiyang pang ekonomiya ng Duterte administration ay classic neo-liberal na framework ang sinusunod – pag privatize ng mga public services, mas mababang control ng gobyerno sa merkado o pagpapalaganap ng “free market”, pagtanggal ng mga trade barriers sa ibang bansa, pagbaba ng buwis sa kapital at pagpataw ng regressive na buwis sa mga produkto.

 

A. Ang bogus na drug war at laganap na pagpaslang sa masa
Masasabing sentro at tatak ng administrasyong Duterte ang kanyang drug war. Ito din ang nagpasikat kay Duterte at isa sa mga tinitingnang dahilan ng kanyang mataas na popularidad sa masa. Isang napaka epektibong paraan at taktika ng mga populista at elitistang (pasista?) namumuno ang pagpinta at pag demonize ng isang “kalaban” upang ipagbuklod ang suporta sa kanyang likuran. Mga Hudyo kay Hitler, mga Komunista para kila Reagan at Marcos, at mga Muslim para kay Bush at Trump. Para kay Duterte, ang kanyang pangunahing kalaban ay mga ADIK. Pero sinong mga adik? Hindi ba’t ang karaniwang biktima ng drug addiction ay ang maralita? Imbis na itrato bilang biktima dahil sa kahirapan ay ginawa silang demonyo ni Duterte na walang inisip kundi pumatay, mangrape, at kung ano pang karumaldumal na krimen. Sa isang iglap, ipinasa ni Duterte sa mga adik ang lahat ng masasamang nangyayari sa Pilipinas. May dugo din sa kamay ng media sa aspetong ito, dahil sila ang nagpalaganap ng ganitong kaisipan sa masa. Ang resulta ay kabi-kabilang operasyon sa mga komunidad ng maralita upang paslangin ang mga adik at pusher. Oo, may mga mangilan ngilan na malalaking drug pusher ang napapaslang, pero ito ay gapatak lamang sa mga pinaslang na maralita na biktima lamang ng droga. Na terrorize na ng tuluyan ang masang Pilipino at takot na lumaban sa Estado. Laganap ang “white terror” sa Pilipinas ngayon.

 

Sa isang banda, ang maaring abangan sa “drug war saga” na ito ay ang pagtanggap ni Leni Robredo na maging “drug czar”. Kung sinsero siya dito at kung may magagawa siya ay dalawang magkahiwalay na bagay. Ang sigurado lang ay gagamitin nya ang media spotlight na ito upang tuntungan ng kanyang kampanya sa 2022 – bad publicity is still publicity, ika nga ng mga PR practitioner.

 

Kasabay ng mga pagpaslang sa maralita ay ang kabi-kabilang pagpatay at pag aresto din sa mga aktibista. Na legitimize ng drug war ang kultura ng pagpaslang. Ang mga sindikato ng Pulis at gun-for hire ay may mabisang smokescreen sa kanilang mga trabaho ngayon – dahil pwedeng sabihin na lang na adik o pusher ang pinatay at babalewalain na ng masa. Maging ang pagkaka ambush kay Argel ay gawa ng mga pulis dahil sinabi na sya daw ay isang drug lord. Ayon sa datos, 43 na din ang pinaslang na labor organizer sa panahon ni Duterte, kabilang na si Dennis Sequena ng Partido Manggagawa Cavite. Kamakailan din ay ni-raid ang mga opisina ng CPP-front organizations na Bayan Muna, Gabriela, KMU, NFSW atbp.

Maselan ang sitwasyon at pusisyon ng Partido sa mga usaping ito, sapagkat sa isang banda ay magkasalungat sa ideyolohiya at stratehiya ang CPP at nagpapatayan nga sa ground. Sa isang banda naman ay naaapektuhan din ang Partido sa anti-communist campaign na isinasagawa ngayon ng Estado.

 

B. TRAIN Law at mataas na presyo ng bilihin
Sa panahon ni Duterte ay naipasa at naipatupad ang isa sa mga pinaka regressive na batas pagbubuwis mula ng VAT Law – ang TRAIN Law. Ang buod ng batas ay mas mataas ng buwis sa mga produktong petrolyo, asukal, sasakyan, atbp, at mas mababang buwis sa mga pinapamana na kayamanan (estate tax) at mga nagdodonasyon (donors tax). Lahat ng ito ay “regressive” dahil walang pakielam ang batas sa kakayanang magbayad o kayamanan ng pinapatawan ng buwis. Pantay-pantay ang buwis, mayaman ka man o mahirap. Itinago ng economic managers ang pagiging anti-poor ng TRAIN Law sa kasinungalingan na bababa daw ang buwis sa income tax – kasinungalingan dahil ang mga minimum wage earners na pinakamarami sa Pilipinas ay dati ng walang income tax!

Dahil sa TRAIN Law, tumaas ang inflation rate sa bansa – ibig sabihin, mas kaunti ang mabibili ng halaga ng piso. Kasabay nito ay nagsitaasaan lahat ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, sardinas, noodles, etc.

 

C. Kontraktwalisasyon, trabaho at sweldo
Matingkad din na isyu ng masa sa panahon ni Duterte ay ang napako na pangako niya na tatanggalin ang kontraktwalisasyon sa bansa. Dito sa kampanyang ito nalubog ang buong labor movement – mula kanan hanggang kaliwa, dilaw hanggang pula. Sinubukan na singilin si Duterte sa kanyang pangako. Nakipag dayalogo sa DOLE at kay Bello na nagbunga ng pinagbagong DOLE Department Order 174 na tinaasan lang ang capital requirement ng mga agency from 3million to 5million. Tumungo sa Malakanyang ang mga manggagawa para direktang singilin si Duterte, ngunit nabigo ulit sa inilabas na Executive Order No. 51. Ipinasa ni Duterte ang mga manggagawa sa Kongreso, na kung saan ay itinulak ang End Endo Bill, na sa kahuli-hulihan ay vineto pa din ni Duterte ang watered-down na version ng Bill. Sa bawa’t yugto ng laban sa kontraktwalisasyon sa panahon ni Duterte ay constant na nariyan ang Employers Conferderation Of the Philippines (ECOP) upang kumontra at mag lobby laban sa mga panukala ng manggagawa. Sa huli, malinaw na nanaig ang interes ng kapitalista laban sa manggagawa – mas pinaboran sila ni Duterte. Ngayon naman ay tila ipinapaulit sa mga manggagawa na mag lobby daw ulit ng isa pang End Endo Bill.

 

Kung ikukumpara din natin, napakababa ng itinaas ng minimum wage sa panahon ni Duterte (wala pa dito ang usapin ng living wage). Noong 2013-2016, tumaas ng P55.00 ang minimum wage sa Metro Manila, samantalang noong 2016-2019, tumaas lamang ito ng P46.00. Walang ganansya ang uring manggagawa sa panahon ni Duterte!

 

D. Rice Tariffication Law at ang agrikultura sa bansa
Hindi din pinalagpas ni Duterte ang mga magsasaka. Ginawang dahilan ng economic troika nila Dominguez, Pernia at Diokno ang lagpas-lagpas ng commitment ng Pilipinas sa World Trade Organization (WTO) na i-liberalize ang importasyon ng bigas sa bansa, kasabay ng bumubulusok na inflation dahil sa TRAIN Law, upang ipasa ang RTL. Ang kaso, sa halip na protektahan ang magsasakang Pilipino ay tuloy-tuluyan itong ibinenta sa pamamagitan ng pagpataw ng napakababa na taripa sa bigas na 35% lamang. Ikumpara ito sa Korea na 500% at Japan na 700% ang taripa sa bigas kahit na walang limit sa importasyon.

 

Ang RTL ay tila isang malaking dagok sa mga nagsasaka ng bigas dahil tinanggal ng batas ang Quantitative Restrictions (QR) sa importasyon. Ibig sabihin, wala ng limit ang importasyon ng bigas na dati ay nasa humigit kumulang 800,000 metric tons lang kada taon. Ngayong taon, tinatayang 2.3 million metric tons na ang pumapasok na bigas sa bansa – na ang pinakamalaking nakinabang na importer ay ang mga Sy ng SM at mga Villar. Sa totoo lang, 95% ng konsumo ng bigas ng Pilipinas ay kayang punuan ng local na magsasaka – 5% lang ang kailangang iimport. Dahil sa RTL, bumaba ng hanggang 8 pesos per kilo ang palay farmgate price, mula sa presyo nitong 18-20 pesos bago ipasa ang RTL.

Sa lahat ng usaping RTL ay hindi pwedeng kalimutan ang role ng mga kartel at sindikato sa agrikultura. Maaaring ginagamit nila ang RTL upang ibaba ang presyo ng palay at magkamal ng mas masalking tubo dahil hindi naman nagbago ang presyo ng bigas sa merkado na mahigit 40 pesos pa din. Kung sinasadya ba ng mga kartel o bunga lang ng anarkiya ng merkado ang pagbaba ng presyo ng palay ay isang isyu na kailangang mabusisi pang pag aralan.

 

Kung tutuusin, ang bigas ang pinaka pulitikal sa mga produktong agrikultura sa bansa historically. Kaya naman tila ginawang “testing” ng economic troika at tinarget illiberalize ang bigas, bilang paghahanda sa iba pang produktong agrikultura – tulad ng asukal. Ang asukal ay may mga malalaking hacienda na backer tulad ng Visayas Group sa Kongreso, habang ang bigas ay karaniwang tanim ng mga small farmers na walang magtatanggol na mga makapangyarihan. Kung kinaya nila ang political backlash sa bigas, ay kakayanin nila illiberalize ang lahat ng iba pang produktong agrikultura, ika nga.

 

Ang mga rice farmers ay tinatayang 2.5 milyon lamang ang bilang. Ngunit ang hindi pa nabibigyan pansin masyado ay ang coconut farmers na tinatayang 10 milyon sa bilang – na hanggang ngayon ay hindi pa din nakikinabang sa coco levy fund na mag 3 dekada ng pinagaawayan.

 

 

V. Pulso ng Masa

Mahalagang maipunto na ang lumalalang kalagayan na ito ay taliwas sa mga lumalabas na survey mula PulseAsia at SWS, na kung saan napaka taas pa din ng approval ratings ni Duterte, na sa kasalukuyan ay nasa 78% pa din noong Setyembre 2019 at tumaas ng 87% noong Disyembre 2019. Pinakamadaming sang-ayon sa ginagawa ni Duterte ang nasa Mindanao (92%) at nasa pinaka mahirap na sector na Class E (84%).

Ang popular na mga dinadahilan ng mga progresibong pwersa ay kung hindi bogus ang mga survey, ay ang retorika ni Duterte na anti-oligarch. Ngunit kung ating palalalimin ang analysis dito, naka ugat ito sa kultura ng Pilipino at kung paano nakaka abot ang impormasyon sa pangkaraniwang tao at ang tinatawag na “Filipino resiliency” na araw araw pinupukpok sa kukote ng mga Pinoy sa pamamagitan ng mass media.
Ngunit ano nga ba ang mga isyu ng masa ayon sa survey? Kung paniniwalaan ang PulseAsia, ito ang pulso ng masa:

Mapapansin na ang unang tatlong isyu ng masa ayon sa survey ay sumasalamin na ang moda ng produksyon sa bansa ay kapitalismo – pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo ng produkto sa merkado, at kawalan ng trabaho. Ang isyu ng soberanya ng Pilipinas na pang apat ay sumasalamin naman ng matinding nasyunalismo na nananalaytay sa bansa. 5.9 porsyento lamang may isyu sa agrikultura.

VI. Mga Progresibong Grupo

Kung nakakakita ng pagkakabuklod buklod ng paksyon ng burgis sa panahon ni Duterte ay ganun din naman ang mga progresibong grupo. Nakita natin sa panahon ni Duterte ang kauna-unahang pagsasama ng dating magkakahiwalay na grupo mula extreme left hanggang center-left sa United SONA 2019. Maging ang dating magkakahiwalay na RA at RJ ay nagsama sa mga mobilisasyon. Pinangungunahan ito ng labor movement na dalawang Labor Day ng nagsasama sa mob.

A. Labor Movement
Sa sector ng manggagawa, ang mga malalaking kumpulan ng bloke sa kasalukuyan ay:

1. Nagkaisa Coalition
a. Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng mga Mendoza at Seno
b. Federation of Free Workers (FFW) ni Sonny Matula
c. Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO) ni Atty. Dolendo
d. Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ni Josua Mata at Edwin Bustillos
e. Partido Manggagawa (PM) nila Rene Magtubo, Wilson Fortaleza at Benjie Velasco
f. Public Services Labor Independent Confederation (PSLink) ni Annie Geron
g. Unified Filipino Service Workers (UFSW) ni Atty. Diwa
h. AGUILA
2. Kilusang Mayo Uno (KMU) ni Bong Labog at Lito Ustares
a. Kilos Na
b. Defend Jobs
c. NAFLU-KMU
d. OLALIA
3. PAGGAWA
a. Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at SUPER Federation nila Leody De Guzman at. Atty. Luke Espiritu
b. Association of Genuine Labor Organizations (AGLO) ni Butch Pena at Atty. Miralles
c. Socialista ng Partido Marxista-Leninsta ng Pilipinas (PMLP) nila Glecy
d. Manggagawa Para sa Kalayaan ng Bayan (MAKABAYAN) ni Caring Magpantay at Primo Amparo
e. LAWIN ni Atty. Arellano
4. Union Network International – Philippine Liaison Council
a. National Union of Bank Employees (NUBE) ni Exie Nidea
b. National Congress of Unions in the Sugar Industry of the Philippines (NACUSIP) and Philippine Agricultural Commercial Industrial Workers Union (PACIWU) ni Roland Dela Cruz
c. NLM-Katipunan ni Fred Pollarca
d. NFL-AGUILA
5. Iba pang labor federations at grupo
a. National Labor Union (NLU) ni Dave Diwa
b. NAFLU ni Manny Arias at Pabs Katorse
Nagsama sama sa kampanya laban sa kontraktwalisasyon ang mga grupo ng manggagawa na dumulo sa pag veto ni Duterte ng End Endo Bill ni Joel Villanueva at TUCP Partylist.
B. Mga Magsasaka

May namumuong coalition ng mga grupo ng magsasaka dahil sa epekto ng RTL. Nagkaroon ng panimulang pagtitipon ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Alyansa Agrikultura, BPMP, Task Force Mapalad (TFM) at iba pang mga dating Usec ng Dept of Agriculture at mga representante ng negosyante. Magkakaroon ng mobilisasyon sa harap ng NEDA laban sa RTL sa Nobyembre 20, 2019. Ang mga dumalo sa unang paguusap ng coalition ay:

1) Federation of Free Farmers
2) Dr. Teodoro Mendez
3) KMP/AP c/o Ka Paeng Mariano
4) PKSK c/o Imelda Limueco and Maning Rosario
5) UBRA c/o Bong Inciong
6) Philcongrains c/o Jojo and Melvin Co
7) PKKK co Ana Dominique Pablo
8) AMMMA-K c/o Mario del Rosario
9) R1 c/o Hazel Tanchuling
10) IRDF/NMFS c/o Arze Glipo and Kim Coronado
11) Gerry Bulatao
12) AlabKatipunan-BPMP
13) Rene Ofreneo
14) Fair Trade c/o Mars Mendoza
15) Katarungan c/o Danilo Carranza
16) VF Angat c/o Arnold Fabro
17) Congressman Willie Villarama
18) Focus on the Global South/SARA c/o Raphael Baladad
19) CSI/AA c/o Romeo Royandoyan
20) Freedom from Debt Coalition c/o Zeena Manglinong
21) TFU c/o Armando Jarilla
22) Alyansa Agrikultura c/o Ernie Ordonez
23) APD c/o Melo Acuna
24) PAKISAMA c/o Soc Banzuela

VII. Interes ng Estados Unidos at Tsina

Sa pandaigdigang pulitika, lutang na lutang ang pagbabanggaan ng interes ng dalawang dambuhalang bansa – ang Estados Unidos (US) at China. Dahil sa tumitinding tunggalian ng dalawang ito sa mga raw materials ng mundo at pampulitikang dominansya, hindi maiiwasan ang direkta nilang pagbabangga. Nakapagitna sa gitgitan na ito ang Pilipinas bilang isa sa mga stratehikong bansa sa mundo na masusubukan kung sino ba talaga ang dominante sa dalawa.

Alam naman natin na ang pulitika at ekonomiya ng Pilipinas ay tradisyunal na kontrolado ng Estados Unidos. Alam din natin na ito ay bahagyang nabago ng naupo si Duterte bilang Presidente at kumiling papuntang China. May mga sabi-sabi na matagal ng “inalagaan” ng China si Duterte, simula pa ng ito ay Mayor ng Davao, ngunit ito ay hindi kumpirmado.

Ano nga ba ang halaga at lugar ng Pilipinas sa pandaigdigang sistema ng kapitalismo? Una, top exporter tayo ng mga raw materials na mina, mga produktong agricultural at mga electronic parts. Pangalawa (2nd) tayo sa Indonesia sa top exporters ng Nickel at Coconut sa mundo, pangatlo (3rd) sa exports ng pinya, pang lima (5th) sa office machine parts, at pampito (7th) as mundo sa integrated circuits exports na ginagamit sa mga computer at cellphones. Pangalawa, dahil sa pagalis ng mga malalaking BPO companies sa India, tayo na ang nangunguna (1st) sa mundo sa business process outsourcing (BPO) at call centers – isang pangdaigdigang porma ng kontraktwalisasyon sa service sector. Panghuli, tayo din ang nangunguna (1st) sa mundo sa dami ng mga overseas labor exports, lalo na sa mga seaman.

Makikita na sa China at Hongkong napupunta ang pinakalamaking bahagi ng mga ineexport ng Pilipinas na raw materials, electronics at agri products. Samantala, ang ating mga OFW ay karaniwang destinasyon ay Middle East (Saudi, UAE, Qatar) at Hong Kong. Ang mga sineserbisyuhan naman ng mga BPO/CC ay US, Europe at Australia.

Sa pampulitikang dominansyang aspeto naman, ang South China Sea (West Philippine Sea) (SCS/WPS) ang isa sa mga pinaka mainit na lugar ngayon sa buong mundo. Matindi ang pangangailangan ng China na makontrol ang erya na ito, dahil mula dito ay maaari silang atakihin ng US gamit ang mga missile at aircraft carriers. Dahil sa mga base ng US sa Pilipinas, South Korea at Japan, iniingatan ng China na makuha ng US pati ang mga malilit na isla sa SCS/WPS. Ngunit kahit na kontrolado na ng China ang Spratlys at iba pang isla sa SCS/WPS, nananatiling dominante sa rehiyon ang presensya ng United States Seventh Fleet – ang pinakamalaking pandigmang pormasyon sa kasaysayan ng mundo na binubuo ng 70 na warships, 300 na eroplano at 40,000 na sundalo.

Importante ang role ng Pilipinas sa lahat ng ito dahil kung sino ang mas papaboran ng Pilipinas ay magkakaroon ng strategic advantage sa dalawa. Kaya naman patuloy ang panliligaw na ginagawa ng China sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapautang at pag gawa ng mga infrastructure projects. Ang Build Build Build ni Duterte ay nakapattern sa ambisyosong Belt and Road Project ng China, na kung saan ay agresibo itong bumubuo ng trade routes at diplomasya sa mga bansa sa mundo. Mas pinapaboran ito ni Duterte kahit mas mataas ng kaunti ang interes dahil walang itong “conditionalities” na nakatali. Ang mga pautang kasi mula EU, US at Japan ay may kaakibat na kondisyon na pagbabago sa struktura ng ekonomiya at polisiya ng mga bansa, o tinatawag na structural adjustments – isang aspeto na wala sa mga pautang ng China.

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) naman ay hanggang ngayon kontrolado ng US. Dala na din ito ng deka-dekadang pakikipagugnayan ng ating military sa US army. Taon taon, ang mga top graduates ng PMA ay binibigyan ng option ng West Point na maging iskolar nito. Si Fidel Ramos, na isa sa mga pinakamaimpluwensya sa hanay ng military hanggang ngayon, at ang kasalukuyang Defense Secretary na si Delfin Lorenzana, ay parehong graduate ng West Point.

VIII. Sitwasyon at Koneksyon ng Partido sa Kabuuang Political-Economic Spectrum ng Pilipinas

Masasabing nasa bagong yugto ang posisyon ng Partido sa kabuuang spectrum ng Pilipinas. Bagama’t hindi pa katulad ng dati na isa sa mga dominanteng players ang ating Partido noong ito ay nagsisimula pa lamang, nagkaroon din tayo ng mga breakthrough sa organizing (YS at Labor) at sa burgis ng pulitika.

Sa mainit ng isyu ng mga Magsasaka ay makaka posisyon ng mabuti sapagkat ito ang sektor na nirerepresenta nito sa Kongreso. Kailangang mapalawak ang ating base sa mga manggagawang bukid at pesante. Magagawa ito sa pamamagitan ng pamumuno natin sa mga isyu ng sektor nito at ng pag gamit ng mga makinarya ng estado upang makaaghatid serbisyo dito.

Sa Labor naman ay miyembro ng Nagkaisa Coalition, National Confederation of Labor (NCL) at United Workers (kasama KMU) ang ating AGUILA. Sa ngayon ay puro mobilisasyon ang napagkakaisahan ng mga coalition na ito, ngunit tinutulak natin na maging sa pagoorganisa ng uring manggagawa ay magkaisa at magtulungan.

Sa hanay ng mga kabataan ay nananatili tayong dominante sa PUP. Naagaw na din ulit ang Student Regent ng PUP mula sa mga RA. Nasa proseso din ng pag recober ang dati nating youth group na KASAMA-KA na pinamumunuan ng nag awol na kasama na si Alex ng Marikina.

Importante lahat ng datos at impormasyon na ito upang makapag navigate ang Partido at mailapat ang stratehiya nito ng naaayon sa pampulitikal at ekonomiyang kalagayan ng bansa. Para sa Uri, Alex Muove